Saturday, November 27, 2010

Discussion Paper

Ang Hamon ng Globalisasyon sa Pagpapahalaga
Ni: Roxanne May R. Libatique

Mabilis na ang paglaganap at pag-unlad ng teknolohiya at konsumerismo, kaya hindi natin maiiwasang magkaroon ang mga ito ng epekto sa mga tao, lalo na sa mga kabataan. Madalas nga lang, ang epekto ng teknolohiya ngayon ay masama.

Tulad na lamang ng "Tamagochi" at mga video games. Ang Tamagochi ay isang laro na alagang elektroniko galing sa Hapon. Sabihin man nating ang laruang ito ay dapat tutulong sa mga kabataan na magkaroon ng pagpapahalaga sa mga hayop o matuto ang mga kabataan na mag-alaga, madalas ay mayroon paring mga kaso ng mga kabataan, lalo na sa mga kalalakihan, na pinapatay lamang ng mga ito ang kanilang mga alaga sa nasabing laro. Minsan pa, nagpapaunahan pa ang iba sa pagpatay ng kanilang mga alaga.

May dalawang ugali o pagpapahalaga ang isang tao. Una, ang pagiging mapag-aruga, at ang isa naman ay pagiging mapanira. Dahil sa larong Tamagochi, naimpluwensyahan ang ibang mga kabataan na ang pagsira o pagpatay ay isa na lamang laro na karaniwan sa sa pang araw-araw na buhay. Minsan, naiimpluwensiyahan din nito ang mga kabataang may pagpapahalaga dahil ang pagkamatay ng kanilang mga alaga ay nagiging isa na lamang sa mga pangyayaring madaling isawalang-bahala.

Madalas namang bayolente ang tema ng mga video games na karaniwang gawa sa Hapon o US. Ngunit kahit na madalas na bayolente ang mga ito, patok na patok parin ito sa mga kabataan dahil narin siguro sa napagtutunggali nito ang mga marahas at nakakatutuwa o nakahihindik din ang mga pangyayari.

Isa pa sa mga hindi magandang epekto ng teknolohiya sa mga tao ay ang pagiging makasarili o kaya naman ay ang pagiging sakim ng mga nagmamay-ari ng mga malalaking korporasyon dahil makakakuha sila ng malaking tubo. Tulad na lamang ng Genetic Engineering na tinutubuan ng malaki ng mga korporasyon kahit higit na tinututulan ito ng masa. Hindi na naiisip ng mga nagmamay-ari ng mga korporasyon ang nakabubuti sa mga nakakarami o sa mismong lipunan dahil sa paghahabol ng mga ito sa tubo.

Ngunit kahit papano, mayroon din namang mga magandang naidulot ang teknolohiya. Gaya na lamang ng pagpapadali sa negosyo at pagbunga ng mas maraming pamamaraan, kagamitan at mga makinaryang dati'y hindi natin naisip ang mga kayang gawin.

Umako naman tayo sa globalisasyon, may mga kaisipang itinataguyod at nagtataguyod nito. Isa na rito ang pagdadala nito ng mga masahol na mga kaisipang nakasisira sa pagpapahalaga ng mga tao. Itinutulak din ng globalisasyon ang kalayaan sa negosyo o "Laissez Fair", Nagtataguyod din ito ng pagpapauna hindi lang sa sariling kapakanan at negosyo kundi ng sariling tubo, at paggugumiit nito ng kalayaan sa pagnenegosyo at pribitasyon, itinataguyod nito ang pagpapauna sa sariling interes kaysa sa kapakanan at responsibilidad sa lipunan.

Dahil sa mga nasabing masamang epekto, itinaguyod ng IBON Education for Development ang edukasyong makapagbabago o transformative education. Naglalayon ito na mabago ang kurikulum, mga estratehiya at pokus, at mga pamamaraan ng pagtuturo, upang mabago ang ating mga sarili.

Sanggunian:
Tujan, Antonio A. Jr. 2004. Ang Hamon ng Globalisasyon sa Pagpapahalaga nasa TRANSFORMATIVE EDUCATION. Maynila: IBON Foundation.